Contact Us

Friend us in Facebook and Follow us in Twitter: Anak Mindanao Contact us: (063) 221-7393 Email Us: anakmindanaopl@gmail.com

Linggo, Hulyo 21, 2013

Makatotohanang Pag-unlad ng Mamamayan at Makatotohanang Kaayusan ng Ekonomiya para sa Mamamayan

Makatotohanang Pag-unlad ng Mamamayan at Makatotohanang Kaayusan ng Ekonomiya para sa Mamamayan

Sa araw na ito (Hulyo 22, 2013) ay ang pag-uulat ng Pangulo ng Pilipinas sa katauhan ni PNoy sa kalagayan ng bansa at ang mga nagawa ng pamahalaan at kung anu-ano pa ang mga dapat na pagtuunang pansin sa natitirang tatlong taong panunungkulan. Ito ang pang-apat sa State of the Nation Address ng Pangulo na nasa kalagitnaan na ng kanyang anim na taong termino.

Ipinagsisigawan ng pamahalaan ang pag-unlad ng pambansang kita nito at ang pag-unlad ng credit rating ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado, ang tagumpay umano sa eksklusibistang usapang pangkapayapaan nito sa MILF, ang lalong pagtaas ng mga remittances ng mga OFWs habang pinapabayaan namang magmukhang pulubi sa awa at serbisyo sa ibang bansa maging sa sariling mga embahada, ang pagiging matapang umano nitong debatihin ang Tsina sa territorial dispute sa karagatan na kakuntsaba ang Amerika at ang tagumpay umano ng kampanyang reporma at kontra-kurapsyong krusada nito na ang tinatamaan lang ay ang hindi ka-alyado.

Talaga namang umunlad. Umunlad ang bilang ng mga ka-alyado ng administrasyong dilaw makalipas itong 2013 na halalan dahil sa takot na hindi mabiyayaan ng Internal Revenue nito at ang mga Development Funds.

Talaga namang umunlad. Umunlad ang kita ng mga negosyante sa petrolyo at wala man lang matibay na posisyon at alternatibo ang pamahalaan maliban sa pagtataas ng pamasahe na mas lalo ding magpapahirap sa mamamayan.

Talaga namang umunlad. Umunlad ang popularidad ni PNoy sa pandaigdigang mga pagpupulong. Dahil inilalako nito ang mga teritoryo at kayamanan ng bansa sa mga negosyante at dayuhang bansa. 

Talaga naman umunlad. Tumaas ang bilang ng nakikinabang sa Conditional Cash Transfer na mga pulitiko dahil ginagamit itong pang-impluwensya sa mga nasasakupan nila. Wala man lang tayong narinig na aksyon mula sa pamahalaan. Isang hindi produktibong programa na napakalaking utang ang pinagkukunan. Kahit ang bansang Brazil na siyang modelo ng programang ito ay hindi nagtagumpay na maibsan ang kahirapan sa bansa nila dahil nga hindi ito makatotohanan.

Talaga namang umunlad. Tumaas ang pagkabahala ng mga seksyon ng lipunan sa Mindanao na hindi napasama sa mga proseso sa usapang pangkapayapaan. Nagdetermina ng teritoryong Bangsamoro na hindi man lang kahhit papano kinausap ang Mamamayang Lumad at iba pang lipunang mapasama sa teritoryong mapapasama sa Bangsamoro. Habang isa itong teritoryo ay hinayaan ng pamahalaan na isama pa ang lahat sa pagkakilanlang Bangsmoro na wala ring pagkonsulta. Mukha yatang ito rin ang naganap noong sinasabi nating Illegal Annexation ng kapuluan sa Mindanao sa Pilipinas. Walang pakialam ang pamahalaang PNoy dito dahil ang nais lang nitong maseguro ay ang sharing sa ekonomiya at kapangyarihang politika.

Talaga namang umunlad. Tumaas ang bilang ng mga walang trabaho. Tumaas ang bilang ng mga nahagip ng Kontraktwalisasyon Isisisi pa ngayon sa mga manggagawa ang sasapitin nila?

Talaga namang umunlad. Tumaas ang bilang ng mga pasanin ng mamamayan. Banta at pagpapatupad ng Privatization sa Enerhiya at Elektrisidad, Tubig, Hospital at marami pang iba habang wala namang habas na tinitingnan lang ng pamahalaan ang demlisyon sa mga maralitang taga-lunsod.

Talaga namang Umunlad. Hinukay na lahat halos ng kalupaan sa Pilipinas (Luzon, Visayas at Mindanao) upang kumita ng malaki ang bansa. Nung hinagupit ng mga kalamidad ang Mindanao ang sabi lang ni PNoy, "DILG Secretary Imbetigahan nyo ito". Makalipas na lang ang isang taon uli, ni isa walang natumbok na may gawa sa pagkasira ng kalikasan.

Talaga namang umunlad. Tumaas ang mga bayarin sa eskwelahan at patuloy sa pagtaas ang pagkaltas sa pundo sa mga serbisyong sosyal.

Talaga namang Umunlad. Oh di ba, tumaas na ang SALN ng pangulo at mga alyado't trapo?

Talaga namang umunlad. Mas nagpapakita ng tunay na kulay ang pamahalaang ito. Lahat ng mga mayayamang nakatala na pinakamayaman sa bansa ay mga kaibigan ng Palasyo.

Talaga namang umunlad.

Ano dapat ba ang kahulugan ng Pag-unlad? Hindi naman mangmang ang mga nasa pamahalaan at lalo na ang mga progresibo umanong seksyon sa loob nito. Kaya ang sagot, Talaga namang umunlad!

Liga ng Makabagong Kabataan, Mindanao
July 22, 2013

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento